ROXAS CITY – Pinaputukan ng tinatayang limang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang detachment ng militar sa Brgy. Katipunan, Tapaz, Capiz kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Punong Barangay Jennylyn Bilbao, sinabi nito na pumasok ang mga rebelde sa Katipunan Elementary School at doon nagtago bago nagpaputok ng dalawang minuto sa detachment ng militar na nasa harap lamang ng nasabing paaralan.
Napag-alaman pa na hindi tumahol ang mga aso at tahimik na nakapasok ang mga rebelde sa paaralan dahil pinakain nila ito ng corned beef at kanin.
Kinumpirma naman ni Kagawad Geronimo Loraña Jr., na isang residente sa barangay na kasama ng mga rebelde ang nagpayo sa kanya na umuwi sa kanilang bahay.
Sa kabila ng pagpaputok ng mga rebelde ay hindi gumanti ang militar dahil ayaw nilang madamay ang ibang tao na nasa labas ng bahay.