Wala umanong balak ang Estados Unidos na magpatupad ng ilang mga pagbabago sa nakatakda nilang military drill sa South Korea.
Ito’y sa kabila ng serye ng paglulunsad ng North Korea ng mga missile nitong nakaraang araw na naglalayong i-pressure ang Seoul at Washington upang ihinto ang joint exercises.
Pinaplano ng mga hukbo ng US at South Korea na magsagawa ng joint exercise ngayong buwan, na tinawag bilang Dong Maeng, na pinaniniwalaang mas maliit na bersyon ng taunang drill na kilala noon na Ulchi Freedom Guardian exercise.
“No adjustment or change in plans that we’re aware of or are planning,” ayon sa isang US official na hindi nagpakilala.
Bagama’t hindi pa malinaw kung ilang US troops ang lalahok ngayong taon, pero sinabi ng opisyal na kagaya noong mga nakalipas na taon, magkakaroon ng large computer simulated portion ang naturang drill.
“The main thing you want to test, exercise, practice is to make decisions in a combined decision making environment because we have an integrated command structure,” wika ng opisyal.
Nagtagpo noong Hunyo 30 sina US President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un, ngunit inaakusahan ng Pyongyang ang Washington ng hindi pagtupad sa kanilang pangako dahil sa military exercise nitong pinaplano.
Nagbabala rin ang North Korea na maaaring masira ng drills ang mga negosasyon hinggil sa denuclearization ng Korean peninsula. (Reuters)