KORONADAL CITY – Maliban sa kasong adultery at concubinage na kakaharapin ng isang military official at kalaguyo nitong private first class ay sasampahan din sila ng dismissal from service.
Ito ang inihayag ni Police Major Christopher Cabugwang, hepe ng Parang PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang mga ito na sina Capt. Ricky Serfino na miyembro ng Phil. Army at PFC Ronna Serra na nahuli sa aktong nagtatalik sa isang resort sa Parang, Maguindanao.
Ayon kay Cabugwang, madaling araw nang humingi ng tulong sa kanilang himpilan ang asawa ni PFC Serra kaya’t nagsagawa sila ng pagsiyasat at tinungo ang resort at doon nakita ang dalawang magkarelasyon.
Bago pa umano ang pangyayari ay nagpapakita na nang kahina-hinalang mga galaw ang babaeng sundalo sa kanyang asawa kaya’t nagduda ito.
Hanggang sinundan niya at doon nalaman na nakikipagrelasyon ito sa kanyang opisyal na si Capt. Serfino.
Kapwa naman pamilyado ang mga ito kaya’t sinampahan ng kasong paglabag sa Revised Penal Code Article 333 at 334.
Sa ngayon isinailalim na sa inquest proceedings ang mga ito.