Magpapatuloy ang pinalakas na military operation laban sa mga teroristang Abu Sayyaf ngayong holiday season.
Ito ang binigyang-diin ni Wesmincom commander Lt Gen. Corleto Vinluan.
Sinabi ni Vinluan, kahit ngayong pasko at bagong taon hindi ititigil ng militar ang kanilang pinalakas na opensiba laban sa teroristang Abu Sayyaf.
“This holiday season, we will intensify our security operations to preempt the terror plots of the different threat groups in our area of operation. We will make sure that everyone will have a peaceful and joyous Christmas celebration,” pahayag ni Lt Gen. Vinluan.
Una rito, nakasagupa ng mga operating units ng 14th Scout Ranger Company ng 5th Scout Ranger Battalion ang isang grupo ng bandidong Abu Sayyaf sa ilalim ng grupo ni ASG leader Radulan Sahiron kaninang alas-8:40 ng umaga sa Sitio Bunga, Barangay Pansul, Patikul, Sulu.
Ayon kay Joint Task Force Sulu commander M/Gen. William Gonzales, grupo ni 1Lt Clarianes ang nakasagupa ng mga bandido kung saan tumagal ng 20 minuto ang palitan ng putok.
Dahil sa malakas ang firepower ng militar, umatras ang mga kalaban.
Narekober sa encounter site ang mga bakas ng dugo, M60 link ammunitions, 25 kilos ng bigas, gamit panluto, at cellphone.
Sinabi ni Gonzales nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang hot pursuit operations laban sa mga terorista.
Binigyang-diin ni Gonzales na lalo pang pinalakas ng militar ang kanilang opensiba laban sa grupo ng sa gayon tuluyan ng mapulbos ang mga ito.