-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patuloy pa ring tinutukoy ng mga otoridad ang iba’t ibang mga motibo kaugnay sa nangyaring pambobomba sa public market sa Brgy. Kalawag 3, Isulan, Sultan Kudarat na ikinasugat ng walong katao.

Ito ay matapos lumalabas sa inisyal na report na posibleng extortion ang may pinakamalaking posibilidad sa pagsasagawa ng naturang pambobomba.

Ngunit sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Edwin Alburo, ang tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army, hindi pa nila matukoy kung anong mga grupo ang responsable rito.

Samantala tiniyak ng opisyal na patuloy ang kanilang military operations laban sa mga armadong grupo katulad ng Dawla Islamiya, BIFF, at Abu Toraife group.

May mga mekanismo na aniya silang binuo upang masawata ang naturang mga grupo katulad ng Executive Order 70 at Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC), matapos lumabas ang report na kokonti na lamang umano ang kanilang bilang.

Ngunit humihingi ito ng kooperasyon sa publiko dahil nagtatago ang mga ito sa kani-kanilang mga pamilya at kaanak sa loob ng SPMS box.