Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sapat ang pwersa ng mga sundalo na magmamando ng patrol bases lalo na sa mga lugar na mataas ang banta sa seguridad dahil sa presensiya ng mga local terrorists group at komunistang rebelde.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay 6th Infantry Division Commander, M/Gen. Cirilito Sobejana sinabi nito na may mga hakbang na silang ginagawa lalo na sa area ng Maguindanao para hindi maulit ang nangyaring pagdukot sa dalawang sundalo at 14 na CAFGU members sa Agusan del Sur sa area ng 4th Infantry Division.
Sinabi ni Sobejana, pinakilos na niya ang kanilang intelligence operatives ng sa gayon maagapan ang anumang masamang balakin ng mga teroristang grupo.
Aniya, hindi nila bibigyan ng pagkakataon ang mga teroristang grupo na makapaghasik ng karahasan.
Kinumpirma din ng heneral na magpapatuloy ang kanilang focused military operations ngayong pasko at sa bagong taon.
Bagamat pinayagang makapag holiday break ang mga sundalo para makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong pasko at bagong taon.
Siniguro ng heneral na sapat ang pwersa na matitira para depensahan ang mga kampo laban sa mga nagbabalak na salakayin.
Sa ngayon, wala pa umanong kumpirmasyon na nakapasok na sa Maguindanao area ang napa ulat na mga foreign terrorists.
Ibinunyag din nito na ilang mga urban cities ay nakakatanggap ng banta mula sa teroristang grupo.
Kaya hiling ng militar sa publiko na maging alerto at ireport kaagad sa militar o PNP kapag may napansin na kahina hinalang bagahe at indibidwal.
Ayon kay Sobejana pagpapasabog ng improvised explosive device ang modus ngayon ng teroristang grupo.
Ilan sa mga urban cities na nakakatanggap ng banta mula sa teroristang grupo ay ang Cotabato City, Tacurong City, Kabacan at Midsayap kaya todo ang ginagawang pagtutok ng militar dito sa ngayon.