-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Ambassador ng Pilipinas sa Amerika na mananatiling matatag ang military ties ng Pilipinas at US sa ilalim ng Trump administration.

Sinabi ni Ambassador Jose Manuel Romualdez na naniniwala siyang magpapatuloy ang suporta ng US sa pinagtatalunang karagatan at tulong militar para sa PH kung saan nasa $336 milyon ang in-exempt para sa PH sa gitna ng pagtigil sa US foreign aid.

Saad pa ng PH envoy na nakipagpulong din sa mga diplomats, opisyal sa defense, at Congress ni Trump, na malamang na pananatilihin ng US ang suporta nito para tumulong sa modernisasyon ng militar ng Pilipinas, na siyang nangunguna sa pagpigil sa lumalawak pang pag-aangkin ng China sa pinag-aagawang karagatan.

Samantala, ayon kay Amb. Romualdez, inaareglo na ang posibleng pagpupulong sa Washington sa pagitan nina Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at maaaring mangyari ito sa sandaling maging maluwag ang mga iskedyul ng dalawang lider, na marahil ay isasagawa sa spring.