Disqualified ang team ng China sa sarili nilang Military World Games matapos makatanggap ang mga hurado ng reklamo mula sa ibang bansa na kalahok din sa nasabing patimpalak.
Ayon sa pahayag ng International Orienteering Federation, nangunguna umano ang Chinese athletes sa women at men’s middle-distance orienteering competition noong Linggo ngunit nagreklamo ang anim na European countries dahil sa di-umano’y pandaraya ng mga manlalaro mula China.
Nabatid umano ng mga hurado na tinutulungan ng mga manonood ang mga Chinese runners kung saan nag-iiwan sila ng palatandaan at gumawa ng special paths upang padaliin ang ruta ng mga atleta.
Ipinagbawal din ang naturang grupo na sumali sa kahit ano pang long-distance orienteering competition.
Ayon kay IOF Secretary General Tom Hollowell, ikinalulungkot ng kanilang pamunuan ang nangyari. Sa kabila nito, nangako si Hollowell na sisiguraduhin nila na walang dayaan na mangyayari sa papalapit na World Cup final sa Guangzhou, China.
Tulad ng Olympics, isinasagawa ang Military World Games kada apat na taon. Sinimulan sa Rome noong 1995 ang kompetisyon at ito ang kauna-unahang beses na nag-host ang China ng naturang palaro.
Inaasahan na lalahukan ang Wuhan games ng 9,000 atleta mula sa 109 bansa.
Sa ngayon, nangunguna ang China sa medal tally kung saan pumapangalawa lamang ang mahigpit nitong katunggali na Russia.