Isang panalo na lamang ang kailangan ng Milwaukee Bucks upang umusad sa NBA Finals matapos na idispatsa sa Game 5 kanina ang Atlanta Hawks sa score na 123-112.
Sa ngayon abanse na ang Bucks sa serye 3-2 sa Eastern Conference finals.
Sakaling umabot ang Bucks sa NBA Finals ito ang unang pagkakataon mula noong taong 1974 kung saan haharapin nila ang nag-aantay na Phoenix Suns.
Ang panalo kanina ng Bucks ay sa kabila na hindi paglalaro ng two-time MVP na si Giannis Atentokounmpo bunsod ng injury.
Ang kawalan ni Giannis ay pinunan naman ng big man na si Brook Lopez na may 33 points bilang kanyang playoff career-high kabilang na ang 14-of-18 shooting.
Kanya ring dinomina ang laro sa loob ng paint.
Samantala nagpamamalas din ng inspired game ang Bucks starting five.
Si Khris Middleton ay nag-ambag ng 26 puntos, habang sina Jrue Holiday ay may 25 at si Bobby Portis ay nagtapos sa 22.
Sa first quarter pa lamang ay agad nang umarangkada sa kalamangan ang Milwaukee at hindi na ito binitawan pa sa kabila ng pilit na paghabol ng Atlanta sa 2nd quarter at 4th quarter.
Dagdag sa kamalasan ng Hawks ay hindi pa rin naglaro ang All-Star point guard na si Trae Young dahil sa nagpapagaling pa rin sa injury.
Nanguna sa kampo ng Hawks si Bogdan Bogdanovic na may 28 points. at tig-19 points naman kina John Collins at Danilo Gallinari.
Ang Game 6 ay gagawin sa Linggo doon sa teritoryo ng Atlanta.