-- Advertisements --

Sinuspinde ng National Basketball Association (NBA) forward ng Milwaukee Bucks na si Bobby Portis dahil sa umano’y paglabag sa anti-drug policy ng liga.

Pinagbawalan ng NBA na makapaglaro si Portis sa loob ng 25 games. Ibig sabihin, hindi na makakapaglaro ang 2021 NBA champion sa nalalabing bahagi ng 2024-2025 regular season.

Ayon sa liga, nagpositibo si Portis sa tramadol, isang uri ng gamot na ginagamit para sa severe pain o labis na kirot, ngunit hindi apprubadong gamitin ng mga player ng liga.

Batay sa naging pahayag ng kampo ni Portis, nagkamali lang umano ang Bucks forward sa kaniyang ininom na gamot.

Ayon kay Mark Bartelstein, ang nagsisilbing kinatawan ni Portis, napagkamalan ng basketbolista na ang kaniyang ininom na gamot ay Toradol, isang pain medication na apprubado sa NBA.

Ang naturang gamot ay para sana sa injury ni Portis sa kaniyang siko na nakuha sa paglalaro.

Sa kabila nito, nagdesisyon ang kampo ni Portis na hindi na i-aapela pa ang desisyon ng NBA.

Dahil sa 25-game suspension, makakaltasan ang sahod si Portis ng $2.85 million.

Sa kasalukuyan, nasa pang-limang pwesto ang Bucks sa Eastern Conference, tangan ang 29-24 win-loss record.