DAVAO CITY – Patuloy ngayon ang pagdagsa ng mga indibidwal na nabiktima ng Repa Paluwagan kung saan higit 80 mga investors na ang nagsampa ng reklamo sa kanilang mga administrators na sinasabing kumuha ng kanilang milyong halaga ng pera kung saan ilan sa mga ito ang nakapag-invest pa ng P11 million.
Sa kasalukuyan, nakatanggap na ng maraming reklamo ang Securities and Exchange Commission (SEC) Davao sa mga biktima matapos na hindi na nabalik sa kanila ang ininvest na pera.
Una ng napag-alaman kay Davao City Anti-Scam Unit (ASU) chief Simplicio Sagarino na ang nasabing investment scheme ay may tatlong iba’t-ibang administrators.
Sinasabing limang buwan pa nagsimula ang nasabing investment scam dahilan na maraming na-enganyo ay marami ang nag-invest sa nasabing scheme.
Maliban sa Davao, may operasyon rin umano ang Repa paluwagan sa mga lalawigan ng Bukidnon, Bohol at Cebu.
Sinabi rin Sagarino na ang Repa Paluwagan ay isang informal group saving o money-lending system sa bansa kung saan gumagana umano ito sa pamamagitan ng tiwala at commitment ng mga partisipante.
Kung ikukumpara sa investment scam na Kapa at iba pa noong 2019, mas mataas umano ang interes ng Repa na posibleng aabot ng higit 50-percent ang matatanggap sa loob lamang ng mababang panahon.
Sinasabing pag nag-invest ng P1,000 maaaring tutubo ito ng P2,500 sa loob lamang ng isang linggo.
Muling nagpaalala ang SEC-Davao na sanay naging leksiyon na sa mga tao ang nangyari sa mga investment scam sa Tagum City noong 2019 kung saan marami ang naloko at milyong halaga ng pera ang hindi na nabalik sa mga investors.
Wala rin umanong ma-presenta na certification mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang administrators ng nasabing paluwagan.