NAGA CITY – Nag-umpisa nang maglakad ang nasa milyong deboto ng “Amang Hinulid” sa taunang Alay Lakad sa Camarines Sur tuwing Huwebes Santo.
Kaugnay nito, nakabantay na rin ang mga otoridad kung saan makikita ang mga inilatag na tent ng PNP sa mga gilid ng kalsada kung saan puwedeng lumapit ang mga deboto sakaling may kakailanganing tulong.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Maj. Van Layosa, sinabi nito na maaga nilang inilatag ang mga tent gayundin ang paghahanda sa mga tubig na kakailanganin ng mga maglalakad.
Liban pa rito, nakabantay na rin ang mga barangay tanod, barangay police, medical team at ilang volunteer groups para umalalay sa mga deboto ng Amang Hinulid.
Napag-alaman na mula sa Naga Metropolitan Cathedral sa lungsod ng Naga nagsisimulang maglakad ang mga nag-aalay lakad papuntang Barangay Santa Salud sa bayan ng Calabanga na may 14 kilometro ang layo.
Ang Alay Lakad papunta sa imahe ng Amang Hinulid ang taunang ginagawa ng mga deboto dahil sa paniniwala na nagdadala ito ng milagro at nagbibigay ng sagot sa kanilang mga panalangin.