CAUAYAN CITY- Pumalo sa mahigit isang milyong piso ang halaga ng pinsalang iniwan ng aksidenteng naganap sa Pambansang Lansangan sa Barangay Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya.
Una nang napaulat sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang pagkakasangkot sa aksidente ng isang Trailer Truck na minamaneho ni Wilfredo Faustino, 66 anyos, may-asawa, kasama ang pahinante nito na si Christopher Flores, 24 anyos, residente ng Bulacan.
Nadamay sa aksidente ang isang wing van truck na minamaneho naman ni Walter Taguinod,44 anyos, may asawa, at residente ng Tuguegarao City, Cagayan.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Diadi Police Station na binabaybay ng dalawang sangkot na sasakyan ang magkasalungat na linya kung saan patungo umanong Isabela ang trailer truck habang patungong ng Nueva Ecija ang wingvan truck na naglalaman ng sako-sakong feeds.
Nang makarating sa papakurbang bahagi ng daan ay bigla na lamang umanong nagsalubong sa gitna ng kalsada ang dalawang sasakyan na nagkasalpukan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni FO1 Mark Silaroy ng sa BFP Diadi na matapos ang banggaan ay napadpad sa Northbound shoulder ang wingvan truck at natanggal ang tangke sanhi para magliyab at nagkaroon ng sunog .
Dahil sa pagkakasunog ng nasabing sasakyan ay nadamay na nasunog ang isang tindahan na pagmamay-ari ni Marites Garcia at isang bahay na pagmamay-ari naman ni Delmar Garcia.
Natupok ng apoy ang tindahan at bahay dahil gawa sa Light Material habang nasa 80% naman ng lulan na Feeds ng Wingvan ang nasunog .
Napadpad naman sa Southbound shoulderlane ang Trailer truck at nadamay na nasunog ang harapang bahagi ng sasakyan.
Nasa pagamutan pa rin ngayon ang tatlong sakay ng dalawang sasakyan habang tumagal naman ng isang oras at tatlumpung minuto bago naapula ng tumugon na kasapi ng BFP Diadi.
Aabot naman sa mahigit isang milyong piso ang halagang pinsalang iniwan ng aksidente.
Pinaalalahanan naman ng BFP Diadi ang mga motorista na palaging suriin ang kanilang battery, lights, oil, water, brake, air, gas, engine, tire, at self (BLOWBAGETS) at pagiging maingat sa pagbaybay sa bahagi ng Diadi dahil delikado ang daan sa nabanggit na bayan .