MILLERSBURG, Ohio – Hindi mapawi ang kasiyahan ng 12-anyos na si Jackson Hepner, makaraang makapulot siya ng ngipin ng mammoth na pinaniniwalaang milyong taon na mula nang ito ay mabuhay sa mundo.
Ayon sa lathala ng “The Inn at Honey Run,” natagpuan ang “woolly mammoth tooth” noong nakaraang linggo sa may tabi ng isang creek.
May lapad itong halos walong pulgada.
Kwento naman ni Jackson, nagtungo lang sila sa nasabing lugar para kumuha ng magandang family picture, pero laking gulat daw niya nang matagpuan ang kakaibang piraso ng ngipin.
Sumailalim naman ito sa pagsusuri ng mga eksperto at pawang nagkumpirma sina Dale Gnidovec ng Ohio State University’s Orton Geological Museum, Nigel Brush ng Ashland University’s Geology Department at P. Nick Kardulias College of Wooster’ Program of Archeology na ngipin nga iyon ng extinct nang hayop.
Nais namang mabawi ni Jackson ang “mammoth tooth” para maipagmalaki raw niya sa kaniyang mga kaibigan.