CENTRAL MINDANAO- Gumawa ng tatlong resolusyon ang Mindanao Development Authority (MinDA) para pansamantalang suspendihin ang ban sa pag-export ng niyog at bigyan ng special permit ang Mindanao na makapaglabas ng nasabing produkto hanggang matukoy ang epekto ng naturang hakbang.
Ayon sa naturang ahenisya, mas kinakailangan ngayon ng mga magsasaka ng niyog ang nasabing resolusyon dahil apektado ito sa mababang presyo ngayon ng copra sa bansa.
Dagdag pa rito, mas lumala pa umano ang hirap na dinanas ng mga nasabing magsasaka ngayong panahon ng pandemya hatid ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Iginiit ng MinDa na kapag papayagan sila sa kanilang hiling na tanggalin pansamantala ang ban sa pag-export ng niyog, mabibigyan ng kaunting ginhawa ang mga magsasaka dahil tataas ang kita nito.
Kinuwestyon din nito ang pagtanggi ng Inter-Agency Task Force sa naturang suspensyon dahil taliwas umano ito sa long term goal na ma-enhance ang value-adding sa bansa.