CAGAYAN DE ORO CITY – Pumalag ngayon ang Mindanao Development Authority (MinDA) sa inihaing panukalang batas na gawin ng isang departamento kaysa mananatili sa kasalukuyang estado ang National Economic and Development Authority (NEDA).
Kasunod ito sa pangamba ng MinDA officials na tuluyan ang pagkabuwag nito kung magiging batas na ang Economy, Planning and Development bill upang lalawak at lalakas pa ang masasakupan na trabaho ng NEDA.
Nilinaw ni MinDA Secreary Maria Belen Acosta na hindi sila tutol maging isang bagong departamento na ang NEDA subalit ang pinangambahan nila na mawala at mabuwag ang isang tanggapan na para sa mga taga-Mindanao.
Ito ang dahilan na humingi ng saklolo at paglilinaw ang MinDA mismo kay House Mindanao Affairs Committee chairman at Misamis Oriental 2nd District Rep. Bambi Emano para malinawan ang napaloob sa panukalang batas.
Paliwanag ni Acosta na dehadong masyado na nga ang rehiyon ng Mindanao pagdating sa hatian ng taunang budget ay alisin pa ang tanggapan ng MinDA.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Emano na kakausapin niya ang mga kapwa mambabatas na namumuno at bumubuo sa House Joint Committee on Government Reorganization and Economic Affairs.
Magugunitang unang naitatag ang dating National Economic Council taong 1935 hanggang sa tuluyang naging NEDA batay sa Presidential Decree 107 noong 1973.
Nabuo rin ang Mindanao Development Authority sa bisa ng Republic Act 9996 o mas kilalang Mindanao Development Authority Act of 2010.