Ipinakita ni Direk Brillante Mendoza ang mabusising proseso na pinagdadaanan ng isang pelikula bago ito maging isang finished product.
Ito’y kasunod ng kabiguan kanyang war drama na “Mindanao” na mapabilang sa inanunsyong shortlists sa 93rd Academy Awards partikular sa international feature film category.
Nariyan aniya ang conceptualization, production, post production, at mga kakailanganin pang video effects.
Sa panig naman ng bidang si Judy Ann Santos, patungkol sa pagluluto at “me time” ang tila isinagot nito.
Kung maaalala, big winner ang “Mindanao” sa Metro Manila Film Festival noong 2019 matapos humakot ng 11 parangal.
Kabilang dito ang major awards na Best Director para kay Mendoza, Best Actress si Juday, Best Actor si Allen Dizon, at pati Best Picture.
Kuwento ito ng isang Muslim na ina na nag-aalaga sa kaniyang anak na may cancer, habang ang kaniyang asawa ay nasa digmaan.
Batay sa impormasyon, mula nang sumali ang Pilipinas sa naturang Foreign Language Film category ng Oscar ay hindi pa nakakapasok kahit man sa final cut of nominees na limang pelikula.
Noong 2019, ang pelikulang “Verdict” ang naging entry ng Pilipinas.