-- Advertisements --
Balikatan 2019
PH-US Balikatan 2019 Exercise Directors, Lt. Gen. Gilbert Gapay with USMC Lt. Gen. Eric Smith

Hindi na ikinukonsidera ng Ph-US Balikatan organizers ang Mindanao na maging training venue sa mga susunod pang gagawing joint military exercises sa pagitan ng dalawang bansa.

Paliwanag ni Ph-US Balikatan 2019 Exercise Director, Lt. Gen. Gilbert Gapay, dahil sa kaliwa’t kanang military operations laban sa mga teroristang grupo kaya hindi na ikinukonsidera pa ang Mindanao na isa sa mga lugar na maaaring maging venue para sa joint Philippine-US military exercises.

Nabatid na lahat ng mga major threat groups na kinakaharap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay matatagpuan sa Mindanao.

Giit pa ni Gapay, ayaw na nila pang maistorbo ang mga tropa na nakatutok para labanan ang mga terorista at komunistang grupo.

Ayon pa sa Balikatan official, mas marami pang mga lugar sa Luzon ang puwedeng maging training venues ng amphibious landing exercises at live fire exercises.

Ang PH-US Balikatan ay nakatutok sa humanitarian and disaster response, counter terrorism, extremism, at territorial defense.

“We have a lot of operations in Mindanao and we don’t want to disrupt those ongoing operations so we simulate scenarios that will be done there, here, operations here in Luzon are not that much compared to Mindanao,” ani Gapay

Binigyang-diin naman ni Gapay na hindi pa naman nila isinasara ang pinto para sa Mindanao na maging training venue sa Balikatan.