BUTUAN CITY – Nasa yellow alert ang supply ng kuryente kahapon mula sa alas-10 ng umaga hanggang sa alas-kwatro ng hapon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Kristoffer Abellanosa, ang regional communications and public affairs officer ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP-Mindanao, ito’y dahil mayroon lang 673.98-megawatts sa grid ang hindi available kahapon.
Ayon sa opisyal, mula sa available na kuryente sa parte ng Mindanao grid na 2,761-megawatt, umabot lang sa 2,640-megawatts ang nagamit.
Napansin ang yellow alert dahil ang kanilang operating margin ay hindi sapat para sa contingency requirement ng Mindanao grid.
Naka-contribute pa dito ang siyam nilang mga planta na nakaranas ng forced outage ngayong buwan maliban pa sa limang iba pa na nag-operate na nasa underrated capacity.
Aminado ang opisyal na dahil pa rin ito sa epektong hatid ng El Niño phenomenon na syang dahilan na halos lahat ng mga planta sa buong Pilipinas ay walang kapasidad na makapagbigay sa demand sa kuryente sa mga kunsumidor.
Ngunit nilinaw ng opisyal na normal ang operasyon ng kanilang transmission lines at mga sub-station facilities dahil wala silang kahit na isang tower na natumba.