KORONADAL CITY – Apela pa rin hanggang sa ngayon ng ilang mga survivors ng magnitude 6.5 na lindol na tumama sa Mindanao ang tulong galing sa iba’t ibang grupo at maging sa gobyerno.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Pastor Isaac Piang, isa sa mga survivor galing sa Makilala, North Cotabato, labis na kailangan ngayon ng mga bakwit na halos karamihan ay mga indigenous peoples (IPs) ay ang tents, malinis na tubig at pagkain matapos ang malakas na pagyanig.
Ayon kay Piang, nagtitiis na lamang sila sa ngayon sa paggamit ng dahon ng saging upang may masilungan at mahigaan.
Kaugnay nito, inihayag naman ni North Cotabato Board Member Onofre Respecio na may dumadating na rin na tulong sa bayan ng Makilala upang abutan ang mga lumikas na residente na galing sa iba’t ibang barangay na kinabibilangan ng Bato, New Baguio, Sta. Filomena, Sto. Nino, Lu-ayon, Malasila, New Cebu, Buenavida, Buhay, Garsica, Indangan, Kisante at Batasan sa nasabing bayan.
Aniya, marami pang mga barangay ang hindi napapasok dahil sa ekta-ektaryang lupa ang nagkaroon ng landslide kung saan may mga biktima pa umano na natabunan ng gumuhong lupa na hindi pa nahuhukay.
Mahaba-haba din umano ang nilakbay ng mga bakwit galing sa mga bulubunding lugar na naapektuhan ng lindol hanggang sa makaabot sa mga evacuation centers.
Samantala, binatikos din ng ilang mamamayan ang alkalde ng Makilala na si Armando Quibod na hindi umano mahagilap sa gitna ng nararanasang kalamidad.
Inaalam pa kung saan ito at kung ano ang mga inaasikaso.
Sa ngayon, umaaasa ang opisyal na magtuloy-tuloy ang tulong upang maiwasan ang pagkakasakit ng mga residente lalong lalo na ang mga bata.
Napag-alaman na nagpaabot na ng paunang tulog ang lokal na gobyerno ng North Cotabato at maging si Davao City Mayor Sarah Duterte Carpio sa mga apektadong residente.