Hindi basta-basta susuko ang Department of Transportation (DOTr) sa pangarap ng mga taga-Mindanao na magkaroon ng sariling railway system.
Dahil nangangako ito na patuloy na maghahanap ng mabubuhay na financial support system para sa matagal nang naantala na Mindanao Railway Project (MRP).
Sinabi ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista na nakikipag-ugnayan na siya ngayon sa iba’t ibang ahensya para maghanap ng alternatibong pagkukunan ng pondo tulad ng Official Development Assistance (ODA) mula sa ibang mga dayuhang pamahalaan at internasyonal na financial institution.
Sa halaga ng proyekto na P81.6 bilyon, ang Mindanao Railway Project Phase 1 ay may haba na 100.2 kilometro na binubuo ng walong istasyon.
Sa sandaling gumana, ang linya ng tren ay inaasahang magsisilbi sa 122,000 pasahero araw-araw at bawasan ang oras ng paglalakbay mula Tagum City hanggang Digos City sa isang oras mula sa kasalukuyang tatlong oras.
Kapag natapos na ang buong Mindanao Railway Project, ang 1,544-kilometrong sistema ng riles ay mag-uugnay sa mga pangunahing lalawigan tulad ng Davao, General Santos, Cagayan de Oro, Iligan, Cotabato, Zamboanga, Butuan, Surigao at Malaybalay at magpapalakas ng ekonomiya ng Mindanao.
Sasakupin ng Phase 2 ng Mindanao Railway Project ang mga lungsod ng Digos, Koronadal at General Santos habang ang Phase 3 ay sumasaklaw sa koneksyon sa pagitan ng Cagayan de Oro City at Laguindingan Airport.
Ang Mindanao Railway Project ay nakakuha ng funding commitment mula sa China ngunit noong nakaraang taon, nagpasya ang gobyerno ng Pilipinas na kanselahin ang paglahok ng China sa pagtatayo ng Phase 1 ng proyekto.