Naalarma si Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers sa mga ulat na mayroon nang hindi maipaliwanag na presensya ng Chinese tourists, manggagawa, negosyante at ngayon ay mga mag-aaral sa bansa.
Sa mga naunang pagdinig sa Kamara, sinita ni Barbers ang PNP, PDEA, NBI, Bureau of Immigration, DFA, Philippine Statistics Authority, LTO, Philippine Coast Guard at iba pang ahensya ng gobyerno.
Ito’y matapos madiskubre na maraming Chinese nationals ang nakakakuha ng Filipino birth certificates, driver’s license, UMID cards, passport at maging accreditation at membership sa PCG.
Ayon kay Barbers, ang sigurado sa ngayon ay nilalamon ang bansa ng korapsyon kung pinapayagan ang Chinese nationals na bumili ng lupa at ari-arian, mag-enroll sa mga unibersidad sa pamamagitan ng exchange student programs, magtrabaho nang walang permit at maaprubahan sa bank loans kahit na iiwan ang bansa nang walang bakas.
Naniniwala ang kongresista na may mga Pilipinong kasabwat sa tila unti-unting pananakop ng mga Chinese dahil binubulag sa malaking salapi o sadyang incompetent.
Ipinunto rin ni Barbers na kwestyonable ang malaking bilang ng Chinese students malapit sa EDCA sites dahil kung nais nilang matuto ng kultura sa Pilipinas, dapat ay mag-enroll sila sa Maynila at hindi sa Cagayan.
Suspetsa nito, maraming opisyal ang Commission on Higher Education na ginagamit ang state universities and colleges para sa kanilang mga plano sa pulitika.
Kaya naman nanawagan si Barbers kay Pangulong Bongbong Marcos a sibakin na sa puwesto ang mga tiwaling kawani at opisyal o suspendihin na sila habang isinasagawa ang imbestigasyon ukol sa isyu.