Pinuna ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang aniya’y patuloy na pagsisinungaling, pagpapakalat ng maling salaysay at propaganda ng Chinese government upang pahupain ang tensyon at maiwasan ang sigalot sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng inihayag ng isang Chinese Embassy official na mayroon umanong bagong modelo o gentleman’s agreement na naglalayon ng “confidence-building measures” upang maiwasan ang hidwaan sa WPS.
Ayon kay Barbers, nililinlang nito ang mga Pilipino upang pagtakpan ang kanilang panghihimasok, pambu-bully sa mga sundalo at pagsira sa marine resources.
Suportado rin nito ang paninindigan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na itigil na ni Chinese Ambassador Huang Xilian ang “charade” o palaisipan na mayroong umiiral na bagong modelo.
Mayorya aniya ng mga Pinoy ang may kamalayan na dumadagsa ang Chinese nationals sa bansa na sangkot sa pang-eespiya at nagpapanggap na POGO workers, estudyante, retiradong sundalo at overstaying tourists na pinopondohan ng money laundering at shabu shipments.
Giit ni Barbers , noong una ay gentleman’s agreement kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Ayungin Shoal ang pinalulutang samantalang ngayon ay may modelo ng kasunduan na kumpirmado umano ng AFP Western Command, National Security Adviser at Defense Chief.
Dagdag pa ni Barbers, ginagamit ng China ang gawa-gawang verbal agreements upang mabigyan ng katwiran ang kanilang presensya at pambobomba ng water cannon sa mga barko ng Philippine Coast Guard at BFAR sa WPS.