BAGUIO CITY – Arestado na ang dalawang katao na sangkot sa pagpatay sa kasamahang minero sa Itogon, Benguet kahapon.
Nakilala ang mga suspek na sina Jommel Saliong, 31-anyos, residente ng Loakan Proper, Baguio City; at Raymond Butoeg, 25-anyos na taga-Asin Road, Baguio City.
Nakilala naman ang biktima ng mga ito na si Eddie Lumbag, tubo at residente ng Besao, Mountain Province.
Ayon kay P/Maj. Rommel Sawatang, hepe ng Itogon Municipal Police Station, uminom ng alak ang tatlo sa kanilang kubo sa Riverside, Virac, Itogon, gabi ng Sabado.
Matapos nito ay nagdesisyon ang tatlo na magtungo sa Lungsod ng Baguio lulan ng SUV upang doon ipagpatuloy ang kanilang drinking session.
Gayunman, nang makarating sila sa pinangyarihan ng krimen ay huminto sila para umihi at doon pinaniniwalaang nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sina Lumbag at Saliong.
Dahil dito, hinawakan ni Saliong ang biktima habang kumuha si Butoeg ng bato at ipinukpok sa ulo ng biktima na nagresulta sa pagkamatay nito.
Isinilid pa ng mga suspek ang biktima sa isang sako bago inilagay sa isang garbage bag at iniwan sa tabi ng kalsada.
Tumakas ang dalawang suspek ngunit nadakip ang mga ito sa kanilang kubo sa isinagawang hot pursuit operation ng mga otoridad.