-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Arestado ang isang lalaki matapos matuklasang iligal itong nagmimina sa Itogon, Benguet.

Maaalalang ipinatigil ang lahat ng small scale mining activities sa buong Cordillera Administrative Region dahil sa naging epekto ng bagyong Ompong sa rehiyon noong nakaraang taon.

Nakilala ang iligal na minero na si Anthony Naoy Sapian, 32, binata, tubong Tabuk City, Kalinga at residente ng Virac, Itogon, Benguet.

Ayon sa Itogon Municipal Police Station, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa pagmimina ng suspek.

Sa pagresponde ng mga pulis ay nakatakas ang suspek ngunit pagkatapos itong hikayatin ng mga otoridad ay sumuko din ito sa mapayapang paraan.

Maaalalang noong Setyembre 14, 2018 ay nagsimulang naramdaman ang hagupit ng bagyong Ompong, at lumipas ang isang araw ay tuluyan nang lumakas ang bagyo na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit sa 100 katao sa Cordillera.