-- Advertisements --

DOTR2

Patuloy ang mahigpit na implementasyon ng minimum public health standards (MPHS) sa buong linya ng MRT-3 kasabay ng pagpapatupad ng Alert Level 1 sa Metro Manila at pagbabalik sa 100% ng kapasidad ng mga tren ng linya.


Striktong ipinatutupad ang pagsusuot ng facemask sa lahat ng oras, samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield.

Ipinagbabawal din sa loob ng mga tren ang pagkain at pag-inom, gayundin ang pakikipag-usap at pagsagot sa telepono.

Ang mga health protocols ay istriktong ipinatutupad ng mga train at platform marshals ng MRT-3, na may awtoridad na magpababa o huwag magpasakay ng sinumang pasaherong matatagpuang sumuway sa mga ipinatutupad na health protocols ng linya.

Naibalik na sa 100% ang kapasidad ng MRT-3 simula noong ika-1 ng Marso 2022.

May katumbas ito na 394 pasahero kada bagon o 1,182 pasahero kada train set. Ang isang train set ay binubuo ng tatlong (3) bagon.

Ang pagtataas ng kapasidad ng mga tren ay isang tugon ng pamunuan ng MRT-3 at Kagawaran ng Transportasyon sa pagtaas ng demand sa mga pampublikong transportasyon sa patuloy na pagbubukas ng mga establisimyento sa Metro Manila.

Maaari namang makasakay sa priority section o unang bagon ng mga tren ang mga senior citizens, pasaherong may kapansanan, mga buntis, at mga batang may kasamang guardian.