Lumalabas sa pag-aaral ng independent group na IBON Foundation na hindi sumasabay ang arawang minimum na sahod sa Metro Manila sa paggalaw ng inflation.
Dahil dito ay inirekomenda ng grupo ang agarang pagpapatupad ng wage hike o pagtaas ng sahod na kayang bumuhay ng isang pamilya.
Inirekomenda ng grupo ang lumabas sa pag-aaral na ang pamilyang may limang miyembro ay nangangailangan ng hanggang P1,197 kada araw para sa maayos na pamumuhay, samantalang ang minimum wage lamang ay P610 kada araw.
Sa ilalim ng kasalukuyang minimum wage, aabot ng P14,373 per month ang sasahurin ng isang empleyado na nagtatrabaho ng limang araw sa isang linggo.
Ang mahigit P14,000 na ito ay 8.5% na mas mababa kumpara sa poverty line para sa pamilyang may limang miyembro. Ang poverty line ay nasa P15,587.
Lumalabas din umano sa pag-aaral na hindi nabibigyan ng sapat na kompensasyon ang mga manggagawa sa Metro Manila.
Inihalimbawa ng grupo ang pagtaas ng worker productivity mula 2000 hanggang 2023 kung saan umabot ito ng hanggang 62%, habang ang minimum wage ay umakyat lamang ng siyam na porsyento.
Ibig sabihin nito, tumataas ang productivity o volume ng output o nagagawang trabaho habang nananatiling mababa ang pasahod, kung saan ang dagdag kita ng mga kumpanya ay halos napupunta lang sa bulsa ng mga may-ari.