Naniniwala si Labor Secretary Silvestre Bello III na posibleng hindi na sumasapat ang minimum wage sa National Capital Region (NCR) para sa mga manggagawa at sa kanilang pamilya dahil sa mahal ng presyo sa mga produktong petrolyo at iba pang bilihin.
Inihalimbawa ni Bello ang kasalukuyang daily minimum wage sa National Capital Region na nasa P537 ay hindi aniya sapat para sa presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng pagkain gayundin sa iba pang gastusin sa bill ng kuryente at tubig.
Sa isang statement, inatasan ng kalihim ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) sa buong bansa na paspasan ang pag-review sa minimum wages.
Kumpiyansa ang Labor chief na maisusumite ng board ang kanilang rekomendasyon bago matapos ang buwan ng Abril.
Aminado naman ang kalihim na malaking hamon ang pagtatakda at adjustment ng angkop na antas ng minimum wage kayat mahalaga ang pagbalanse dito.
Nauna ng nakatanggap ng mga petisyon ang RTWPB hinggil sa minimum wage increase, isa dito ang panawagang pagkakaroon ng tinatawag na uniform increase ng P750 bilang minimum wage sa buong bansa.