-- Advertisements --

Pansamantalang pinasususpinde ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang mga mining activities sa Mindanao kasunod ng serye ng mga malalakas na lindol sa rehiyon noong nakaraang linggo.

Marapat lamang aniya na ihinto muna ang mining activities sa Mindanao upang makapagsagawa ng “onsite inspections” at matiyak ang kaligtasan ng mga minero.

Ang mga malalakas na pagyanig sa Mindanao noong nakaraang linggo ay nakakaapekto sa katatagan sa ilalim ng lupa at sa mga tunnels ng minahan.

Tinukoy din ni Fortun na karamihan sa mga minero ay pawang hindi regular at wala ring benepisyo sa kabila ng mapanganib na trabaho.

Samantala, pinaamiyendahan naman din ng kongresista ang National Building Code para matiyak ang katatagan ng mga imprastratura.

Kung maaalala, ilang gusali ang gumuho sa nangyaring malalakas na lindol sa Mindanao noong nakaraang linggo.

Kaugnay nito ay nananawagan ang kongresista sa mga otoridad na tukuyin ang mga lugar na napapabilang sa danger zones.

Ito ay upang hindi na mapagtayuan ang mga ito ng mga gusali at bahay para maiwasan na rin ang pagkasawi ng maraming buhay kapag magkaroon ng lindol at iba pang mga kalamidad.