KORONADAL CITY – Aminado ang pamunuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na pahirapan ang ginagawang transisyon simula nang mabuo ito at umupo ang chief minister kasama ang mga kasapi ng Bangsamoro Transition Authority.
Ngunit ayon kay BARMM Chief Minister Al-Hajj Murad Ebrahim, bahagi lamang ito ng mga hamon na haharapin nila sa loob ng tatlong taon.
Kaugnay nito, hinihiling ni Ebrahim ang kooperasyon at dedikasyon ng lahat upang maging produktibo ang kanilang sinimulan.
Naniniwala si Ebrahim na sa pamamagitan ng ministerial governance, maitutuwid ang mga mali sa implementasyon ng mga serbisyo at programa mula sa ehekutibo at lehislatura.
Nilinaw din ni Ebrahim sa mga empleyado na ang mga may permanent appointment ang maiiwan sa posisyon hanggang sa ma-adopt na ng BTA ang transition plan.
Ngunit, bibigyan naman umano ng pagkakatan ang mga may mga kontrata na makapagpatuloy depende sa kanilang magiging performance.