-- Advertisements --

ROXAS CITY – Nag-panic buying na ngayon ang mga tao sa Singapore matapos na itinaas ng Ministry of Health ang Disease Outbreak Response System Condition (DORSCON) level sa orange alert.

Nangangahulugan ito na “severe” na ang alerto sa novel coronavirus (nCoV) dahil sa mabilis na kumakalat ito sa pamamagitan ng human to human transmission.

Sa report ni Bombo international correspondent Alma Avelino, tubong Roxas City at kasalukuyang nagtatrabaho sa Singapore, iniulat nito na mahaba ang pila sa mga supermarkets, dahil pinakyaw na ng mga tao ang paninda sa loob ng pamilihan.

Natatakot umano ang mga tao sa Singapore na magsarado ang mga pamilihan o di kaya ay maubusan ng mabibilhan ng pagkain kaya dumagsa sila para mamili at mag-stock ng pangunahing pangangailangan sa loob ng bahay.

Kabilang sa mga pinakyaw ng mga mamimili ay ang noodles, bigas, tissue paper, mineral water, canned goods at sabon.

Nabatid na umabot na ngayon sa 33 ang kumpirmadong kaso ng nCoV sa naturang bansa.