-- Advertisements --

Naitala ang minor phreatic eruption sa bulkang Taal sa probinsiya ng Batangas sa nakalipas na 24 oras.

Base sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagtagal ang phreatic eruption ng 6 na minuto.

Ang phreatic-eruption ay ang pagbuga ng usok o steam bunga ng pag-init ng tubig sa ilalim ng lupa o sa surface na pinapainit ng magma, lava, hot rocks o bagong deposito mula sa bulkan. Nauna na ding nakapagtala ng minor phreatic eruption ang bulkan noong Biyernes, Nov. 29.

Maliban dito, nasa kabuuang 4 na volcanic earthquakes din ang naitala kabilang ang 3 volcanic tremors na tumagal ng 2 hanggang 6 na minuto.

Nagbuga din ang bulkan ng 6,307 tonelada ng asupre at naobserbahan din ang pag-apaw ng hot volcanic fluids sa Main Crater Lake.

Samantala, patuloy pa ring nakataas ang Alert level 1 sa bulkan dahil sa posibleng sudden steam-driven o phreatic explosions at iba pang mga mapanganib na aktibidad ng bulkan.

Bunsod nito, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa Taal volcano island, permanent danger zone lalo na sa bisinidad ng Main Crater at Daang Kastila fissure gayundin bawal ang pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan.