Muling nakapagtala ng minor phreatic ang bulkang Taal kaninang bandang 2:22 a.m, Enero 22, 2025, base ‘yan sa inilabas na bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ngayong Miyerkules.
Maliban dito, nagbuga din ang bulkan ng 1,010 tonelada ng asupre noong nakalipas na araw ng Lunes at naobserbahan din ang upwelling ng mainit na volcanic fluids sa Main Crater Lake.
Namonitor din ang katamtamang emission ng plumes na hanggang 600 metro ang taas na napadpad sa timog-kanlurang direksyon.
Wala namang volcanic quake ang naitala nitong nakalipas na araw.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang bulkang Taal na nangangahulugan na nananatili sa abnormal na kondisyon kayat possible pa rin ang banta ng sudden steam-driven o phreatic explosions o pagsabog, volcanic quake, minor ashfall at iba pa.
Patuloy pa rin ang pagpapaalalang ginagawa ng Phivolcs sa mga komunidad sa palibot ng Taal Caldera sa epekto sa kalusugan ng exposure sa mataas na concentration ng asupre mula sa bulkan.
Gayundin ang pagbabawal sa pagpasok sa Taal Volcano Island, ng permanent danger zone nito Lalo na sa bisinidad ng Main Crater at Daang Kastila fissure at bawal din ang pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkang Taal.