CAUAYAN CITY- Nagsagawa ng pulong ang minority bloc sa Kamara pag-usapan ang epekto ng Rice Tariffication Law sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cong. Faustino Michael Dy ng 5TH District ng Isabela, sinabi niya na hindi siya miyembro ng grupo subalit dumalo siya upang mapakinggan ang mga hinaing ng mga magsasaka.
Ito ay upang mapag-alaman din ang epekto ng Rice Tariffication Law at ng makagawa siya ng revision nito para hindi mahirapan ng mga magsasaka lalo na ang industriya ng bigas sa Pilipinas.
Napag-usapan aniya sa pulong na sa 10,000 rice mill sa bansa ay 4,000 na ang nagsara.
Ayaw na anya nilang gumiling ng palay dahil nalulugi na sila dahil sa Rice Tariffication Law.
Ayon kay Cong. Dy, maganda ang Rice Tarrification Law subalit kulang pa ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.
Nagpasa na sila ng isang resolusyon upang pakinggan ng Committee on Agriculture ang mga hinaing ng mga magsasaka upang makagawa sila ng hakbang para matulungan sila.
Kung siya aniya ang tatanungin ay kailangang amiyendahan ang Rice Tariffication Law para matulungan ang mga magsasaka.