Suportado ng Minority bloc sa Kamara ang pagdaraos ng special session sa Oktubre 13 hanggang 16 at pagsertipikang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2021 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Minority Leader Bienvenido Abante Jr. ipinapakita lamang sa naging direktiba ng Pangulo ang kahalagahan nang pagpasa ng budget ng sakto sa oras upang sa gayon ay kaagad na maipatupad ng pamahalaan ang mga programa at proyektong kailangan para tugunan ang epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya, at makapagbigay ng sapat na tulong sa mga nangangailangan.
“We in the Minority support any initiative that will fast-track the deliberations and subsequent passage of the 2021 national budget,” saad ni Abante sa isang statement.
Sinabi pa ng mambabatas na balak pa sana na magsagawa ng minority bloc ng parallel deliberations upang sa gayon ay magampanan nila ang kanilang mandato na busisiin ng husto ang budget.
Subalit hindi na aniya ito kailangan sa ngayon kasunod nang nang pagpapatawag ng Pangulo ng special session sa Kamara.
Kaisa aniya sila ng mayorya sa pagtitiyak sa pagbalangkas ng isang “pro-people budget” na “on time, on target at on point.”
Malinaw na rin aniya sa ngayon na dapat isantabi muna ang politika, gayundin ang girian na naglalagay sa Kamara sa putikan sa mga nakalipas na linggo at sa halip tutukan ang pagparuba sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Magugunita na noong Martes, Oktubre 6, nagmosyon si Speaker Alan Peter Cayetano na i-terminate ang debate para sa 2021 budget.
Kasunod ng second reading approval ng GAB ay pinagbotohan naman ng mga kongresista na suspendihin ang kanilang plenary session hanggang Nobyembre 16.
Ikinaalarma ito ng ilang mga senador sa paniniwala na ang naturang hakbang ay maaring dahilan nang delay sa budget at kalaunan ay magresulta sa reenacted budget.
Nilinaw naman ni Abante at House deputy speaker Rep. Johnny Pimentel, kung tutuusin hindi na kailangan ang pagpapatawag ng special session dahil suspindido lang naman ang Kamara at puwede magsesyon anumang araw.