Hinamon ni House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na ilantad ang katotohanan tungkol sa kanyang papel sa pagkamatay ng mahigit 27,000 Pilipino sa pagpapatupad ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyan diin pa ni Libanan, na kilalang tagapagtaguyod ng katarungan na naka-ugat sa moral at etikal na prinsipyo, ang kahalagahan ng pagiging tapat at magkaroon ng pananagutan sa mabigat na alegasyon ng extra judicial killings
Si Libanan ay isang dating seminarista mula sa Seminario de Hesus Nazareno, isang abogado, at dati ring naging chairperson ng House Committee on Justice.
Binibigyang-diin ng mambabatas na ang kahalagahan ng katapatan, hindi lamang sa mga lingkod-bayan, kundi sa lahat ng indibidwal na nagnanais na maglingkod nang may integridad.
Ipinahayag din ng kinatawan ng 4Ps party-list, ang kanyang pag-aalala sa mga matinding akusasyon laban kay Dela Rosa at sa Philippine National Police (PNP).
Pinuri naman ni Libanan ang mga matapang na inihayag ang katotohanan, katulad ni PNP Lt. Col. Jovie Espenido, sa kabila ng banta sa kanyang kaligtasan.
Sinabi pa ni Libanan na moral na obligasyon ng mga nasa kapangyarihan, tulad ng mga lingkod bayan na maging huwaran lalo na sa pagtanggap ng pagkakamali at pagpapakumbaba.
Nais ding malaman ni Libanan kung paanong hinaharap ni Dela Rosa ang kanyang konsensya sa kanyang mga nagawa, at ang pag-aalala sa posibleng pangmatagalang epekto nito sa kanya, gayun na rin sa lipunan.
Sinabi ni Libanan kay Dela Rosa na hindi pa huli ang lahat para humingi ng kapatawaran at gawin ang tamang hakbang sa pag-amin ng kanyang naging papel sa mga extrajudicial killings.