-- Advertisements --

Tanging si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel lamang ang nag-abstain sa botohan kaugnay sa naaprubahan na P5.768-trillion na proposed national budget para sa taong 2024.

Inaprubahan na kasi ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang pondo para sa susunod na taon na mayroong 21 votes, 0 negative vote at 1 abstention.

Ang pag-abstain ni Pimentel sa botohan sa 2024 General Appropriations Bill ay dahil sa paninindigan ng Senador na hindi dapat sinesertipikahang urgent bill ang panukalang pondo.

Samantala, ayon kay Senador Sonny Angara na Chairman ng Senate Committee on Finance, ang pambansang pondo ay dumaan sa masusing pagbusisi ng Senado na gagamitin patungo sa bagong Pilipinas.

May sapat na ring pondo para sa pagbili ng mga body cameras ng Philippine National Police (PNP) para maging transparent ang lahat ng operasyon at matiyak na walang sinumang magiging biktima ng pang-aabuso.

Ngayong aprubado na sa mataas na kapulungan ay sasalang na sa bicameral conference committee ang 2024 GAB para ayusin ang magkaibang bersyon ng Kamara at Senado.

Tatayong chairman ng Senate delegation sa gagawing bicam para sa 2024 GAB si Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara. Samantala, miyembro naman sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Senadora Pia Cayetano, Imee Marcos, Cynthia Villar, Nancy Binay, Risa Hontiveros, Grace Poe, Senador Ronald “Bato” dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Bong Go, Francis Tolentino, Mark Villar, JV Ejercito at Jinggoy Estrada.

Una nang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na inaasahan nilang mapipirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang pambansang pondo bago ang official trip nito sa Japan sa December 16 to 18.