-- Advertisements --

Umapela ang minorya sa Kamara sa Department of Health (DOH) na maging transparent sa pag-uulat ng kumpirmadong COVID-19 cases sa Pilipinas.

Ayon kay House Minority Leader Bienvenido Abante Jr., para maiwasan ang pagkataranta ng publiko makakatulong kung magbigay ang DOH ng mas maraming impormasyon upang mapunan ang kakulangan ng impormasyon na kanilang ibinibigay.

Kung magawa aniya ito ay masisigurado na hindi masisingitan ang publiko ng mga chismis, fake news, at ispekulasyon lamang.

Umapela naman si Deputy Minority Leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate sa DOH na huwag nang ulitin ang naging pagkukulang ng pamahalaan sa pagre-report noon sa pagkalat ng African swine fever (ASF).

Ito ay matapos na palabasin noong ng pamahalaan na kontrolado ang paghawak sa ASF pero lumalabas na marami at kumalat ang kaso ng naturang sakit.

Kaya ang dapat na gawin ngayon ng DOH ay hayaan ang mga ospital na mag anunsyo at ilabas sa publiko ang mga developments sa kanilang hanay.