Sinusugan ng minority senators ang initial findings ni Senate committee on justice chairman Sen. Richard Gordon, ukol sa papel ni PNP Chief Oscar Albayalde sa kontrobersiyang kinakaharap ng kaniyang mga dating tauhan.
Ayon kay Sen. Franklin Drilon, malinaw na ang circumstantial evidence laban kay Albayalde.
Giit ni Drilon, magkakatugma ang pahayag ng mga testigo at mahirap para sa panig ng PNP chief na ito ay madipensahan.
Naniniwala ang minority leader na nagkaroon ng takipan sa panig ng mga opisyal at tauhan ng PNP na sangkot sa kontrobersyal na drug raid.
“I am convinced that there was a cover-up,” pahayag ni Drilon.
Maging ang nakapiit na si Sen. Leila de Lima ay naniniwalang may malaking problema ang PNP dahil sa mga tauhang dawit sa kontroberrsiya.
Nag-offer naman ng panalangin ang senadora para kay Albayalde at sa institusyon ng PNP na nalalagay ngayon sa kontrobersiya.
“I pray also for P/DG Albayalde and the PNP as an institution, that it be exorcised of its demons, particularly the propensity of misguided elements to summarily execute hapless drug suspects and other malpractices or nefarious activities,” wika ni De Lima.