Patuloy ang pagbuhos ngayon nang pagbati sa Philippine women’s national team matapos na umusad sa magaganap na finals bukas sa prestihiyosong 2022 AFF Women’s Championship.
Hindi lamang mga Pinoy fans ang nagpapaabot nang pagbati kundi maging mula sa ilang top sports officials ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Philippine Football Federation president Mariano “Nonong” Araneta, tinawag nito na “miracle in Manila” ang nangyari kagabi nang masilat ang dating kampeon na Vietnam team sa score na 4-0.
Inalala kasi ni Araneta ang makasaysayan ding laban noon ng Azkals sa Vietnam na binansagan ding “miracle in Hanoi” noong 2010 AFF Championship kung saan tinalo ang host na powerhouse team.
Inamin naman ni Araneta na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa inilalaro ng mga Pinay at tinambakan pa ang Vietnamese team.
Dahil dito, todo pasalamat ang football official sa Diyos at sa mahigit 3,000 mga fans na personal na nanood sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila.
Kasabay nito, nanawagan si Araneta sa mga fans na sana ay punuin bukas ng mga kababayan ang stadium na tiyak na lalong magpapalakas ng loob sa national team.
Sa mga hindi naman makakapanood ay hiningi nito ang dasal para sa Filipinas.
Kasabay nito, nagbigay pugay din ang PFF president sa foreign coach ng team ng Pilipinas na si Alen Stajcic na siyang nasa likod sa pamamayagpag ng koponan.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit tutungo sa susunod na taon ang Team Pilipinas sa mas matinding laban sa World Cup matapos na mag-qualify sa torneyo sa India.
Ang 2023 FIFA Women’s World Cup ay magkatuwang na gagawin sa Australia at New Zealand.
Samantala, naniniwala rin naman ang presidente ng football federation na malaking tulong ang international exposures ng mga players para mas maging mahusay pa ang mga ito.
Ang ilan din sa mga miyembro ng national team ngayon ay sinanay na ng husto dahil matagal ng kabahagi ang mga ito ng football program mula pa sa kanilang under-14.