Siniguro ng Miru Systems na hindi makokompromiso ang 2025 midterm elections ngayong tuluyan nang nag back-out ang St. Timothy Construction Corp. sa kanilang joint venture para sa automated election system sa susunod na taon.
Ayon sa kumpanya, hindi kabilang ang St. Timothy Construction Corporation sa pag-buo ng mga makina o mga serbisyo na siyang gagamitin sa eleksyon.
Naging bahagi lamang aniya ito sa pagtulong sa pagsunod ng mga itinakdang guidelines.
Lagi rin aniyang ahead of time ang kanilang paghahanda para matapos ang mga natitirang Automated Counting Machines at iba pang kinakailangan na nakapaloob sa kontrata.
Sa ngayon, nakapaghatid na sila ng 50,000 Automated Counting Machines kabilang na ang election peripherals, at mga bagong printing machines.
Nagsasagawa rin ito ng mga pagsasanay sa kanilang mga technicians habang itinatayo rin ang 110 repair hubs sa buong Pilipinas.
Giit pa ng kumpanya na sila ay nananatiling dedikado sa pagbibigay ng malinis na halalan sa bansa.