CAGAYAN DE ORO CITY – Parang mga bata na hindi nagpansinan sila si Cagayan de Oro Mayor Oscar Moreno at Misamis Oriental Gov. Yevgeny ‘Bambi’ Emano.
Ito’y matapos nag-krus ang landas ng dalawang opisyal sa paglulunsad ng Public Utility Vehicles Modernization Program ng administrasyong Duterte dito sa lungsod.
Hindi nagkikibu-an ang magkaribal sa pulitika kahit nasa kanilang harapan si Dept. of Transportation o DOTr Sec. Arthur Tugade na siyang nanguna sa project launching. Hindi rin magawang magkatinginan ang alkalde at gobernador habang kinakausap ng mga ito ang kalihim.
Kahit sa pagtalumpati ni Mayor Moreno, hindi nito binanggit ang pangalan ni Gov. Emano at gayon din naman ang ginawa ng gobernador.
Napag-alaman na matagal nang nagkagalit ang dalawa dahil sa pulitika, kung sa-an si Gov. Emano ang inakusahan ng alkalde na nasa likod sa pagsasampa ng patong-patong na kasong graft laban sa kaniya na ibinasura naman ng Sandiganbayan.