-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mag-ina kasama ang anim na miyembro ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) sa naganap na search warrant operations sa Barangay Malagana, Claveria, Misamis Oriental.

Ito’y matapos ipinag-utos ng korte na i-raid ang dalawang bahay ng mag-inang sina Getrudes at Reagan Salvaleon dahil sa impormasyon na mayroon silang hawak na hindi lisensiyadong mga baril sa loob ng kanilang compound.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay CIDG-Misamis Oriental team operative Police Executive Master Sgt. Noel Oclarit, maliban sa pagdakip sa mag-inang Salvaleon, anim na CAA members pa at ilang sibilyan ang hinuli dahil sa mga nakumpiskang baril.

Sinabi ni Oclarit na pagpapaliwanagin din nila ang 4th Infantry Division (ID), Philippine Army, kung bakit naabutan nito ang CAA members na nakabantay sa compound ng mag-inang Salvaleon.

Kabilang sa nerekober ay ang anim na high powered rifles, dalawang short firearms, at KG9 rifle.

Samantala, dumipensa naman si Claveria Mayor Mariluna Salvaleon Abrogar kung bakit nasa loob ng kanilang compound ang CAA members at ang ilang armas.

Inihayag ni Abrogar na matagal na silang humingi ng tulong dahil pinagbantaan ang kanilang buhay ng isang Jaime Cawasan na dating ka-transaksyon ng kanyang pamilya ng lupain sa lugar.

Iginiit ng alkalde na wala silang sariling mga baril, bagkus ay pag-aari lamang ito ng mga CAFGU na mayroong detachment na malapit lamang sa bahay ng kanyang mag-ina.

Nakakustodiya ang mag-inang Salvaleon at mga CAFGU member sa headquarters ng CIDG-10 sa Camp Evangelista kung saan nakabase ang 4th ID, Philippine Army nitong lungsod.