DAVAO CITY – Bilang paggunita sa ikatlong anibersaryo ng Roxas Night market bombing ngayong araw, isang misa ang isinagawa kahapon sa Roxas avenue kung saan nangyari ang pamomomba.
Pinangunahan mismo ni Archbishop Rommulo Valles ang misa sa Tree of Life memorial marker kung saan nasawi ang 15 katao at nasa higit 70 ang sugatan.
Si Atty. Zulieka Lopez, City administrator ang representante ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na kasalukuyan nasa medical leave.
Sa mensahe ng Mayor, nagpapasalamat ito na nanatili ang pag-alala sa mga naging biktima ng insidente.
Matapos naman ang isinagawang misa, nag-alay ng bulaklak at nagsindi ng kandila ang mga kamag-anak ng mga namatay pati na ang survivors sa Tree of Life memorial marker.
Kabilang rin sa mga dumalo sa misa ang mga miyembro ng National Agencies, Security Units sa pangunguna ni Public Safety and Security Command Center (PSSCC) head Major Gen. Benito de Leon, Regional director PRO-11 PBGen Marcelo C Morales at PCol. Alexander C Tagum City Director, Davao City Police Office (DCPO) at marami pa.