-- Advertisements --
kris tomb pnoy

Nilinaw ni dating Sen. “Bam” Aquino na dahil pa rin sa banta ng Delta variant ng Coronavirus Disease 2019 ay magiging “online” lamang ang idaraos na misa para sa 40 days ng pagpanaw ng kanyang pinsan na si dating Pangulong Noynoy Aquino.

Sa isang panayam, inihayag nito na sa August 2 pa talaga ang 40th day ni P-Noy pero kanila na itong gugunitain bukas, August 1, para maisabay sa 12th death anniversary ni dating Pangulong “Cory” Aquino.

Ayon sa dating senador, ang sumikat noon na tagline na “Kayo ang boss ko” ang magiging tema para sa 40th day commemoration ganap na alas-5:00 ng hapon.

“We’re having 40 Masses all over the Philippines for P-Noy on his 40th day,” saad ng nakababatang Aquino sa ANC.

“Actually, August 2 ang 40th day ni PNoy but we are having the commemoration on August 1…August 1 also happens to be the death anniversary of Tita Cory. The 12th anniversary of Tita Cory.”

Para sa mga nais makiisa, mapapanood ang misa sa “Kaya Natin” Facebook page kung saan isa sa mga magbibigay ng mensahe ay si Vice President Leni Robredo, na susundan ng candle-lighting ceremony.

Nitong June 24 nang sumakabilang-buhay ang pang-15 pangulo ng Pilipinas dahil sa renal disease secondary to diabetes sa edad na 61.