-- Advertisements --

Nagdaos ng misa para sa mga biktima ng extra judicial killings sa ilalim ng war on drugs ng nakalipas na Duterte administration sa Batasang Pambansa ngayong araw ng Miyerkules, Nobiyembre 13.

Idinaos ang naturang misa bago ang pagpapatuloy ng ika-11 pagdinig ng House Quad Committee kaugnay sa kontrobersiyal na war on drugs.

Dakong alas-9 ng umaga nang isagawa ang holy mass na pinangasiwaan ni Fr. Flaviano Villanueva para sa mga biktima ng EJK na dinaluhan ng mga pamilya ng mga napatay sa war on drugs. Dito, inialay ng mga pamilya ang mga larawan ng mga biktima ng EJK.

Si Fr. Villanueva ang siyang tumulong din sa mga pamilya ng mga biktimang napatay sa war on drugs na muling makabangon sa kanilang buhay.

Nauna na ring iprinisenta ni Fr. Villanueva ang mga kaso ng umano’y extrajudicial cases sa unang pagdinig ng mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee noong Oktubre 28. Isinalaysay din niya na nasa mahigit 3,000 biktima ang napatay sa unang 100 araw mula ng umupo bilang Pangulo si ex-Pres. Rodrigo Duterte.

Base naman sa datos ng human rights groups, umaabot hanggang sa 30,000 indibidwal ang napatay sa madugong kampaniya kontra sa ilegal na droga sa ilalim ng Duterte administration.