CAGAYAN DE ORO CITY – Isinagawa ngayon ang malawakang contact tracing sa mga tao na pinakahuling nakasalamuha ni Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal sa Barangay Lam-an, Ozamiz City.
Ito ay matapos nahawaan pa rin sa coronavirus disease ang senior citizen na si Oaminal kahit natukuran na ng bakuna upang ma-proteksyonan ang kanyang pangangatawan.
Mismo ang anak ng kongresista na si Ozamiz City Mayor Sancho Oaminal ang nag-anunsyo sa pamamagitan sa social media post na kasalukuyang naka-isolate ang kanilang ama dahil sa virus.
Sinabi ni Mayor Oaminal na dahil dito ay naka-lockdown muna ang kanilang bahay sa loob ng 14 na araw habang tinatawagan din ang mga residente na nakasama ng kongresista na makipag-ugnayan sa city health office para sa tamang protocols.
Bagamat hindi naman binanggit ng alkalde kung malubha o hindi ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang ama.
Si Rep. Oaminal ang pinakahuli na high official mula sa Northern Mindanao na nahawaan ng virus kasunod nang magpositibo rin ang mag-asawa na sina Cagayan de Oro 1st District Rep. Rolando “Klarex” Uy at Carmen Punong Barangay Lorna Uy na taga-bayan ng Bonifacio, Misamis Occidental.