Sugatan ang isang municipal councilor matapos na tangkain itong patayin sa kanyang residensya sa Villanueva, Misamis Oriental.
Ayon kay Police Major Joanne Navarro, tagapagsalita ng Police Regional Office-10 (Northern Mindanao),, ang biktima ang kinilalang si Councilor Hermil Valledor, 45 anyos na ngayon ay nasa stable ng sitwasyon matapos na subukang barilin ng hindi pa nakikilalang gunman.
Panawagan ni Navarro sa lahat ng mga elected official na nakatatanggap ng banta sa kanilang buhay, mangyari lamang na makipag-ugnayan sa kanilang kapulisan at nakahanda silang makipag cooperate.
Batay sa report, nagtamo ang biktima na si Valledor ng sugat sa kanyang kaliwang cheekbones matapos itong atakihin ng suspect.
Sa inisyal na imbestigasyon, sakay umano si Valledor ng isang mini truck at palabas na sana ng kanilang gate sa kanilang bahay ng magpaputok ng baril ang suspect.
Dahil sa pagkabigla at takot , ang biktima at witness ay hindi napansin ang ginamit na gateway vehicle ng suspect.
Nakuha ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang .basyo ng .45 caliber cartridge.
Sa ngayon ay patuloy pa ring inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspect.