-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpapasaklolo na kay Pangulong Rodrigo Duterte si Misamis Oriental Governor Yevgeny “Bambi” Emano kaugnay ng kanyang hiling na isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Cagayan de Oro at Misamis Oriental. 

Ito ay matapos inihayag ni city epidemiologist Dr. Joselito Retuya na tama ang Department of Health Region 10 na nakakaranas na ang Cagayan de Oro ng local transmission dahil sa tatlong COVID-19 patients na nasawi na pawang wala namang travel history.

Nagpadala na ng letter of request ang gobernador kay Pangulong Duterte at sa Inter-Agency Task Force (IATF) may kaugnayan sa nasabing kahilingan. 

Hindi maipagkakaila na sa nasabing bilang ng mga positibong kaso na naitala ngayon sa Cagayan de Oro City, nakakaramdam ng takot at pag-aalala ang gobernador dahil maaaring kumalat ang sakit sa buong Misamis Oriental lalo pa’t libu-libo pa rin ang naglalakbay patungo at mula sa lungsod. 

Nanindigan naman si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno na hindi ECQ ang solusyon para malabanan ang virus kundi sa pamamagitan ng intensified surveillance ng contact tracing, testing, at treatment.