TACLOBAN CITY – Naniniwala ang kampo ng kapulisan sa Eastern Visayas na “misencounter” ang nangyaring pagpatay kay Calbayog Mayor Ronald Aquino at apat indibidwal sa Barangay Lonoy, Calbayog City.
Napag-alaman na batay sa inisyal na imbestigasyon, tinatahak ng kampo ni Mayor Aquino bandang alas-5:30 kahapon ang hilagang direksyon sakay ng van nang bigla ang mga itong makaramdam na may sumusunod sa kanila na isa ring van.
Sa pag-aakalang may sumusunod sa kanila, bigla silang nagpaulan ng bala sa nakabuntot na van.
Nag-return fire naman ang mga sakay ng van na kalaunan ay napag-alaman na minamaneho ng mga tauhan ng PNP (Philippine National Police) at ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU).
Sa naturang firefight, nagresulta ito sa agarang pagkamatay ng alkalde gayundin ang driver nito na si Dennis Abayon, at kanyang security aide na si PSSG Rodio Sario.
Samantala, patuloy na nagpapagaling sa ospital ang security na si Mansfield Labonete at staff nito na si Clint John Paul Biliran.
Sa kampo ng PDEU, patay ang kanilang team leader na si P/Capt. Joselito Tabada at PSSG Romeo Cobocob habang nasa malubha ang kalagayan nina PSSG Neil Matarum Cebu.
Sa kabilang dako, isang Special Investigation Task Group ang binuo upang tumutok sa insidente.
Ayon kay Ronald Ricafort, tagapagsalita ng City Government ng Calbayog, isang malagim na balita ito sa Calbayog na labis nilang ikinakalungkot.
Nanawagan naman ng hustisya si Samar Representative Edgar Mary Sarmiento para sa agarang pagkamit ng hustisya para sa pinaslang na alkalde.